KASIYAHAN
by Paul
Hindi ko alam kung paano ‘to sisimulan
Sa dami ng dahilan ng aking kagalakan.
Mga bagay na napakasimple, pero puno ng halaga.
Yung tipong ‘di nabibili ng kahit anong rangya.
Kapag ako’y nakakasampung oras na tulog.
Sa huni ng mga ibon, sa bawat ngiti ng haring araw.
Sa masarap na pansit luglog, sa matamis na taho’t binatog.
Sa lagaslas ng tubig, sa marahang bulong ng hangin.
Kapag napapahagikgik sa tawa ang napakaganda kong lola
Hawak ang kanyang mga kamay habang siya pa ay
nakakaalala.
Kung pwedeng i-atras ang oras, ito’y paulit-ulit na babalikan.
Sa piling ng pamilyang hindi perpekto, pero puno ng
pagmamahalan.
Kapag nalalasap ang mainit na kape’t pan de sal
Habang pinagmamasdan ang mga bitui’t kalawakan.
Kayakap ang mahal na matagal na ipinagdasal
Kasama sa paglalakbay sa mundong walang
kasiguraduhan.
Sa ikli ng ating panahon, hindi sasayangin ang natitirang
sandali.
Ipagpapasalamat ang buhay na hiram at dagli.
Kaibigan, payakap nga, bago ako tuluyang lumisan.
Kayong lahat ay nagdulot sa’kin ng KASIYAHAN.