Isang Panganganinag Ngayong Araw ng Kalayaan

Ni Junelie Velonta
HAPI Scholar

Nasa kalagitnaan ng kalayaang Pilipino ang pantay na karapatan ng bawat mamamayan, bunga ng dugo at pawis ng ating mga ninuno gamit ang kanilang mga itak, baril, at boses. Ngunit kung susuriin ang kasaysayan, tayo’y lumaya sa mga rehimeng mapang-api, pero hindi natibag ang mga kadena na sumisimbolo ng ating pagka-alipin. Tayo ay pantay sa papel lamang.

borders, country, flagTalamak pa rin ang pang-aabuso ng mga taong gahaman at nasa posisyon, tila walang pagbabago noong panahon ng mga Kastila, Kano, at Hapon. Ngunit, tayo ay malaya na sa mga banyaga; bakit mga alipin pa rin tayo? Bakit alipin pa rin tayo ng ating pambansang utang, ng ating mga politikong inilalagay sa posisyon, at ng ating mga paninwala’t paninidigang walang lugar sa modernong panahon? 

Hanggang ngayon ay dapat pa rin tayong lumaban. Hanggang hindi natitibag ang mga kadena, hindi pa rin tayo tunay na malaya. Hindi pa tapos ang labanan. Ang mga bala’t itak ngayon ay dapat palitan ng pagmamahal sa ating inang bayan, sa ating mga kababayan, at sa ating mga sarili. 

Nagsulat si Rizal sa Noli me Tangere patungkol sa bukang-liwayway: ang bagong umaga para sa ating bayan. Ngunit ang bagong umagang ito ay hindi nasilayan ni Elias, na siyang rebolusyonaryo at tagapagligtas ni Ibarra. Si Simoun ay namatay bago pa man nagising ang mga tao, bago pa man sumilip ang araw sa atong mga pulo. At sa kahuli-hulihang araw ng bawat taon, inaalala natin ang kamatayan ni Rizal. 

Consumatum est! Pero hindi sa kamatayan ni Rizal nagtapos ang lahat. Sumunod sa mga Kastila ang mga Amerikano. Sumunod sa mga Amerikano ang mga Hapon. Nang nawala na ang mga banyaga, sumunod naman ang ating mga sariling “kababayan,” na inuuna ang sariling interes at kita sa kapakanan ng kanilang mga kapwa. Walang nagtapos sa kamatayan ni Rizal. Ngunit, may nagsimula. 

Ang tunay na kalayaan ay hindi man natin maranasan ngayon, kung patuloy tayong nagmamahal sa bayan, ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino ay lalaya na sa kanilang mga kadena.

About the Author

HAPI Contributor
Scroll to Top