Karapatang Pantao

Ang human rights o karapatang pantao ay para sa lahat. Hindi ito umiikot sa isang indibidwal lamang. Ang problema, ay hindi napapahalagaan ang karapatang pantao, at alam nating lahat na ang kabuntot nito ay ang matagal nang pinoproblema ng ating mga kababayan. Mga kababayan nating matagal nang tinatahak ang diskriminasyon at pang-aapi, ang mga LGBT. Sumangayon ka man o sa hindi, ito ang katotohanang ipinagkakaila ng karamihan. Oo, ang ating bansa ay bukas sa mga ganitong bagay, na sa paniniwala ng karamihan ay buong puso nang natanggap ng ating bansa ang ganitong mga tao. Pero ang hindi alam ng karamihan, ay patuloy padin itong ikinamumuhi, inaapi, binabatikos at ginagawang katatawanan ng ating mamamayan.

 

“Wala ka pala eh, bakla ka pala eh” kapag hindi mo pinatulan ang kaibigan mong naghahamon ng away.

“Ay duwag, bading ka noh?” Kapag takot ka sa dilim, sa aso, ipis anu ano pa mang bagay.

“Uy naka Mio, Boom tiboom yan sigurado!” Diskriminasyon ng karamihan dahil kadalasan daw ng naka-Mio ay tomboy at ginawa na itong katatawanan.

“Kadiri, espadahab!” Kapag nakakita ng dalawang lalaking nagde-date.

 

Ilan pa lamang ito sa mga salitang madalas na sabihin ng ating mga kaibigan o kamag-anak, na parang ang pagiging bakla o tomboy ay isang kapansanan at sila’y nakapandidiri. Halos hindi marespeto ng ilan ang mga LGBT, bakit? Isa lamang ang nakikita kong matinding dahilan, ang relihiyon at paniniwala ng iba na hindi maisantabi sa lahat ng bagay. Ang relihiyon at ang kanilang paniniwala ang isang malaking dahilan kaya hindi nila matanggap ang mga LGBT. Ang kanilang dahilan, ay dahil tanging lalaki at babae lamang ang nilikha ng diyos na kasarian ayon sa kanilang banal na kasulatan o bibliya na batayan ng kanilang pananampalataya. Para sa kanila, ang mga bakla at tomboy ay kasuklamsuklam at karumaldumal sa mata ng kanilang diyos. Ayon pa sa senador at boxingerong si Manny Pacquiao, mas masahol pa sa hayop ang mga bakla at tomboy, dahil alam nito ang lalaki ay para lamang sa babae, at ang babae ay para lamang sa lalaki, isang hindi pag sang-ayon ng senador sa same-sex marriage. At ayon naman sa senador na si Tito Sotto, ang pride ay isa sa 7 deadly sins kaya hindi dapat ipinagdidiwang ang Pride Month.

Kung pupunahin natin ang ganitong mga katwiran ng mga nakaupo sa gobyerno, ipinapakita lamang ng ito na isinasawalang bahala nila ang karapatan pantao ng mga LGBT.

Una sa lahat, ang batas ay ginawa para sa lahat, hindi dapat ito umiikot sa relihiyon at paniniwala ng dominanteng relihiyon sa bansa.

Kung hindi sasang-ayon ang ating gobyerno sa same-sex marriage ay parang pagpapawalang-bisa ito ng human rights. Dahil hindi lamang kristiyano ang relihiyon sa pilipinas, narito rin ang ating mga kababayang muslim, ateista at mga walang relihiyong inaaniban. Makaka-apekto ito sa kanilang karapatan bilang tao, dahil hindi lahat ng tao sa pilipinas ay kristiyano, hindi nararapat na pag basehan ang relihiyon at ang kanilang banal na aklat upang gumawa ng batas.

 

Halimbawa ay kung isasabatas sa pilipinas ang pagbabawal kumain ng baboy dahil sa pagpapanukala ng isang senador na muslim, ikatutuwa ba ng mga kristiyano ito? Malamang ay hindi dahil paniniwala lamang ito ng kanilang relihiyong Islam. Kung tutol ka o ang inyong relihiyon sa homosekswal at same-sex marriage, maaari mo itong sarilihin. Walang pumipilit sa isang tao na makipagtalik siya sa kapwa niya babae o lalaki, ito ay desisyon ng isang tao na hindi maaaring pakialaman ng sino man. Maaari niyo itong ipagbawal sa inyong simbahan, ngunit hindi niyo ito maaaring isailalim ng batas. At huli sa lahat ay ang usapang siyensiya. Ang homosexual ay nangyayari kahit sa mga hayop. Ang pagiging bakla at tomboy ay dumedepende sa genes o pagbabago ng antas ng hormone at kanilang orientasyong sekswal habang ang bata ay nasa sinapupunan. Ang panghihikayat ng isang tao o magulang na gawing lalaki o babae ang bata ay hindi makatutulong dito. Sa madaling salita, hindi mo maitutuwind ang bakla o ang tomboy kahit na ilantad mo ito sa mga laruan, o kahit na ilubog mo pa ang anak mo sa drum ng tubig.

 

            Kung totoo man na may diyos, natitiyak akong mas matutuwa itong nakikita tayong mapayapa at nagkakaisa sa pagtanggap natin sa bawat isa.

Ngunit kabaliktaran ang nangyayari sa atin, sa halip ay ginagamit ng iba ang kanilang diyos upang gumawa ng hidwaan para sa isa’t isa. Ginagamit nila ang mga salita ng diyos upang panindigan ang kanilang masamang mga paniniwala at gawaing pang-aapi, diskriminasyon at poot sa kanilang kapwa. Kung totoong paglilingkod sa diyos ang kanilang nais mangyari, hindi ba’t nakapagtataka na sila pa itong gumagawa ng ganitong mga bagay? Kung totoo ang mga dino-diyos ng mga debotong relihiyon, hindi ba dapat ganito din ang tinuturo ng namamahala sa kanilang mga simbahan? Tapatin na natin ang katotohanang hindi ganito ang itinuturo ng mga relihiyon, at isa lamang ang aking konklusyon dito: Hindi natin kailangan ng relihiyon upang matukoy ang tama at ang mali. Hindi natin kinakailangan ng relihiyon upang maging mabuting tao.

 

Nakakabahala dahil halos 2020 na, ngunit hindi padin lubos maunawaan ng ilan ang karapatan ng bawat isa na mamuhay ng tahimik at payapa. Kung totoo para sa atin ang mga katagang “respeto nalang sa paniniwalan ng iba”, umpisahan natin sa pag rerespeto sa atin kapwa, ano man ang kanilang kasarian, lahi, relihiyon o paniniwala. Ngayon, ang tanong ko, kung may mga satanistang magtatayo ng kanilang simbahan at rebultong satanas sa pilipinas, magagawa paba natin respetuhin ang kanilang paniniwala kahit ito ay kasalungat ng iyong pananampalataya? Magagawa kayang isantabi ng mga kristiyano ang kanilang paniniwala upang resptehuhin ang paniniwala ng mga satanista? Kung wala silang natatapakang tao, o kung hindi naman sila nananakit, bakit hindi? Wala itong pagkakaiba sa kanilangg patuloy na pang-aalipusta sa mga tomboy at bakla. Tiyak na kanilang aapihin at aalipustahin ang mga satanista gaya ng pang-aapi nila sa mga LGBT. Itanong natin sa ating mga sarili ngayon kung nasaan dito ang karapatang pantao at respeto?

Ano man sa mga ito, wala akong nakikitang mali sa dalawang taong nagmamahalan upang ating kapootan o pandirian. Kung sino man ang nagnanais na ituro ang kanilang kamay sa kasamaan, nararapat itong ituro sa mga taong patuloy na nagpapalaganap ng diskriminasyon at digmaan. Ito ang nakikita kong dahilan sa patuloy na pagtataas ng bandera ng ating mga kababayang LGBT. Huwag tayong magpaka-ipokrito. Kung totoong kapayapaan at kabutihan ang nais nating mangyari sa ating bansa, umpisahan nating respetuhin ang karapatan ng bawat isa. Tandaan mo: Ang batas ay hindi umiikot sayo, sa relihiyon mo, o sa paniniwala mo. Ito ay para sa lahat ng tao.

 

About the Author

HAPI Contributor
Scroll to Top