Beach Watch
God as the Designer – The Watchmaker

Sapagka’t ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila’y walang madahilan”
“For since the creation of the world God’s invisible qualities—his eternal power and divine nature—have been clearly seen, being understood from what has been made, so that people are without excuse.”
Romans 1:20

Isipin nyo na naglalakad kayo sa beach, at habang naglalakad kayo ay may nakita kayo sa buhangin na relo. Pinulot nyo ang relo na ito at nakita nyo na mayroon itong function o kakayahan, perpekto ang mga hugis ng mga bahagi at komplikado at nakaayos ang pagkakabuo nya, at pwede mo ring masabing may kagandahan sya.

Pagkatapos naisip mo kaagad na may gumawa dito kahit hindi mo naman alam o nakita kung meron nga. Parang natural na o “common sense” na nalaman mo agad na may nagbuo sa kanya.

Tapos, tumingin ka sa paligid mo at napansin mo na ang kalikasan din ay may mga function, marami ringbahagi at komplikado at nakaayos ang pagkakabuo, at higit sa lahat maganda sya.

Katulad ng relo, naisip mo rin “Siguro, may gumawa sa kalikasan”

At ang gumawa na iyon ay ang Designer, the Watchmaker…. God.

Samakatuwid:
Watchmaker:Watch = God:Universe

Ang tawag po sa kwentong ito ay Watchmaker Argument for the Existence of God. Isa po ito sa mga pinakasikat na “patunay” ng mga pilosopo na mayroong Diyos na tagapaglikha. Ang ibang tawag dito ay ang Argument from Design.

Subalit sapat ba ang katwirang ito para patunayang may Diyos? Ating suriin.

Kung ang mga aspeto ng relo ang nagbigay sa iyo ng konklusion na may nagdisenyo dito (designer), at noong nakita mo na may ganitong aspeto rin ang kalikhasan, ibig sabihin ang lahat ng kalikasan ay para ding relo. Dahil doon, naipasya mo na ang kalikhasan din ay dinesenyo…. “designed”.

Subalit kung ang kalahatan ay masasabing nakadisenyo, paano mo ngayon mapag-iiba ang bagay na dinisenyo at bagay na hindi dinisenyo?

Ang problema dito ay unfalsifiability. Ang falsifiability ay kung paano ang isang pahayag ay may kaso na sya ay totoo o hindi (true or false cases). Importante ito dahil ganito natin naiimbistigahan kung ang isang pahayag ay totoo o hindi. Sa kaso ng Watchmaker Argument, kailangan tayong may mapagkumparahan kung ano ang masasabing nakadisensyo, at hindi nakadisenyo para malaman natin kung ang bagay na ating sinusuri ay totoo ngang dinesenyo o hindi.

Kaya dahil sa Watchmaker Argument ay sinasabing ang lahat ng bagay ay dinesenyo ng Diyos, wala tayong paraan na pagkumparahin kung alin ang nakadisenyo o hindi. Kung sasabihin natin na ang argumentong ito ang patunay na ang kabuoan ng kalikhasa at sanlibutan atynakadisensyo, ano ang iyong pagkukumparahan nito na hindi nakadisenyo para malaman nga na ang buong kalikhasan ay nakadisenyo? Ito ang dahilan kung bakit ang argumentong ito ay unfalsifiable.

So kung hindi natin kayang maimbistigahan kung totoo sya o hindi, paano ka ngayon makakarating sa konklusyon na totoo sya?

Subukan natin kaya na mag-imbento ng kondisyon kung paano natin malalaman kung paano ang isang bagay ay nakadisensyo gamit ang mga aspeto na naanggit sa kwento. Ano ba ang kabaligtaran ng “designed”, hindi ba “random” o di sadya? Imbistigahan natin sandali yung mga aspeto ng relo na nagsasabing may designer at tignan natin kung pwede syang mangyari sa mga bagay na hindi sadya:
1. Function – nakakita ka ng hindi sinasadya na tumbang puno. Inupuan mo ito. Ibig sabihin ba nito na ang hindi sinasadya na tumbang puno ay nakadisenyo para maging upuan?
2. Perpekto ang hugis at nakaayos ang pagkakabuo – Ang liwanag ay nakaayos, pero pwede syang di manggaling sa gawa ng tao. Ang bumubuhos na buhanggin ay pwedeng makabuo ng nakaayos na cone, pero pwedeng bumuhos ang buhangin ng di sinasadya.
3. Komplikado – ito ay pagkakahalo ng maraming bahagi at function, pero maraming komplikadong bagay na hindi naman sadya o gawa ng tao.
4. Kagandahan – Ang sikat na painting ni Jackson Pollock, kahit pinagtilansik lang nya ang mga pintura ng walang plano, at walang kaayusan, maraming nagsasabi na maganda ito.

Ngayon, kung ang mga bagay na hindi sadya ay masasabi ring nakadisenyo, ibig sabihin ang sadya at hindi sadya ay parehong nakadisenyo, kaya lahat ay nakadisenyo – babalik ulit tayo sa problema ng unfalsifiability.

Balikan natin ngayon ulit at isipin kung paano natin agad malalaman na ang relo sa beach ay may gumawa kahit hindi natin nakita na may gumawa nito.

Ang tunay na rason kung bakit madali nating malalaman na may gumawa sa relo ay hindi dahil sa mga aspeto nito na nakikita natin sa kalikhasan, kundi dahil sa ating karanasan at kaalaman ng kung paano sya ginawa. Wala rin tayong karanasan na makakita ng relo na tumutubo lamang sa kapaligiran. At kung hindi man natin alam ang impormasyong ito, pwede nating imbistigahan at patunayan na may gumawa at nagbuo ng relo.

Wala tayong ganoong katumbas na katibayan sa kalikhasan. Nakakakita lang tayo ng mga tugmang aspeto ng mga bagay na nasa kalikasan, at sa mga bagay na likha ng tao, subalit base sa ating pagsusuri, hindi ito sapat para masabing mayroon ngang Diyos na lumikha sa kalikhasan.

Marami pa ring gumagamit ng Watchmaker Argument na mga pari at pastor (tulad ni Eli Soriano ng Dating Daan kung saan mic naman ang ginamit nya imbis na relo) at maraming napapaniwala nito dahil mukha syang makatwiran sa panlabas, subalit kapag ito’y pinag-isipan at sinuri mong mabuti, iyong malalaman at mauunawaan na hindi sya sapat na katunayan na mayroong Diyos na lumikha ng kalikhasan.

Paunawa para sa mga mambabasang naniniwalang may Diyos:
Hindi pinapatunayan ng artikulong ito na walang Diyos. Ipinapaliwanag lamang dito na ang Watchmaker Argument, Argument from Design, at anupamang katumbas na pangangatwiran, ay hindi sapat na katwiran para mapatunayang mayroong Diyos na tagapaglikha.

Author:

Dennis Pulido
Dennis Pulido

HAPI-IC California

HAPI Art Director

About the Author

HAPI Contributor
Scroll to Top