Ayon sa kasulatan ng pilosopong si Plato, si Euthyphro, isang Athenian na propeta, ay tinanong ng pilosopong si Socrates:
“Ang kabutihan ba ng Diyos ay mabuti dahil nanggaling ito sa Diyos? O ito ba ay mabuti dahil nagdudulot ito ng kabutihan?”
Ito ang tinatawag na Euthyphro’s Dilemma, o ang Dilema ni Euthyhpro.
Suriin natin ang dalawang modelo na binanggit dito:
1> “Ang kabutihan ba ng Diyos ay mabuti dahil nanggaling ito sa Diyos?”
Kung ito ang modelong tatanggapin natin, ang basehan natin kung ano ang kabutihan at kasamaan ay ang salita ng Diyos. Kung ano ang sabihin ng Diyos na mabuti, ito ay ang sasabihin nating kabutihan. At kung ano ang sasabihin ng Diyos na masama, ito ang sasabihin nating kasamaan.
Subalit may problema ang modelong ito.
Kung ang modelo natin ng kabutihan ay ang sasabihin ng Diyos na kabutihan, kapag iniutos ba ng Diyos na ang pagpaslang ng kapwa tao ay kabutihan, magiging mabuti ba ito?
Sa modelong ito, hindi mo pwedeng ikatwiran na “hindi ito iuutos ng Diyos dahil ang Diyos ay mabuti, at ang pagpaslang ng kapwa ay masama” dahil sa modelong ito ang kabutihan ay ang pagsunod sa kautusan ng Diyos, at ang kasamaan ay ang pagsuway sa kautusan ng Diyos, kahit na ang kalalabasan nito ay magiging kabutihan ang pagpaslang sa kapwa kapag ito ang naging kautusan ng Diyos.
2> “O ito ba ay mabuti dahil nagdudulot ito ng kabutihan?”
Kung ang kabutihan naman ay matuturing mabuti dahil ito ay nagdudulot ng kabutihan, ang Diyos ay masasabing tagapamahagi lamang ng impormasyon.
Mayroon ngayon tayong mga bagong problema:
- Ang batas ng moralidad ay hindi galing sa Diyos.
- Ang batas ng moralidad ay hiwalay sa Diyos.
- Ang batas ng moralidad ay sinusunod ng Diyos, at dahil doon nakaaangat ang batas na ito sa Diyos.
- Dahil ang kabutihan ay mabuti dahil sa naidudulot nito, hindi mo na kailangan ng Diyos para malaman ang kabutihan.
Subalit pwedeng mong ikatwiran na dahil ang Diyos ang tagapamahagi ng impormasyon, kailangan mo ang Diyos para malaman ito. Tignan nga natin.
Sabihin nating may nagpayo sa iyo na huwag hawakan ang apoy sapagkat ikaw ay mapapaso. At noong hinawakan mo ang apoy, ikaw nga ay napaso. Nalaman mo tuloy na tama nga ang payo sa iyo na mapapaso ka kapag hinawakan mo ang apoy. At dahil doon, hindi ka na humawak sa apoy para ikaw ay hindi na mapaso ulit nito.
Subalit kahit walang magpayo sa iyo, pwede mo pa ring hawakan ang apoy, at kapag ikaw ay napaso, maituturo mo sa iyong sarili na hindi na muling hawakan ang apoy para hindi ka na mapaso ulit.
Ibig sabihin, sa modelong ito hindi mo kailangan ng Diyos para malaman ang mabuti sa masama sapagkat ang basehan mo ng kabutihan ay ang mabuting dulot nito at hindi kung saan ito nanggaling o sino ang nagpahayag.
Samakatuwid, kung sasabihin na kailangan mo ng Diyos para malaman mo ang tama at mali, ito ay magreresulta sa dalawang posibleng modelo ng moralidad:
- Ang moralidad na base sa pagsunod o pagsuway sa Diyos, kaya kapag inutos ng Diyos na ang pagpaslang ng kapwa ay kabutihan ay magiging mabuti ito.
- O ang Diyos ay tagapamahagi lamang ng impormasyon tungkol sa tama o mali, subalit pwede mong matutunan ang kabutihan at kasaman walang Diyos na magturo sa iyo dahil ang basehan mo ng kabutihan ay ang mabuting naidudulot nito at hindi kung saan ito nanggaling o kung sino ang nagpahayag..
False Dilemma – ang Ikatlong Modelo
Ngayon, may katwiran ang ibang mga pilosopo tulad nina St. Anselm sa Dilemang ito.
Ang tawag dito ay False Dilemma – ikinakatwiran na may pangatlong pagpipilian na modelo na kayang lumutas sa problema ng dalawang orihinal na modelo.
Ang pangatlong modelong ito ay sinasabi na ang katangian ng kabutihan ay tugma sa katangian ng Diyos. Ibig sabihin, ang kabutihan na manggagaling sa Diyos ay mabuti dahil ang Diyos ay mabuti. Kaya masasabing malalaman mo na ang kautusan o ang pinapahayag ng Diyos ay masasabing mabuti dahil ang katangian ng Diyos ay tugma sa katangian ng kabutihan.
Subalit may problema sa katwiran na ito.
Kahit totoo mang may Diyos, at kahit na ang katangian nya ay tugma sa katangian ng kabutihan, kailangan mo pa ring mamili:
- Ang moralidad ba ay base sa pagsunod o pagsuway sa Diyos?
- O ang Diyos ay tagapamahagi lamang?
Ibig sabihin, ang katwirang False Dilemma ay hindi malulutas ang Dilema ni Euthyphro.
- Kung ikaw ay sumusunod lamang sa kautusan, walang kabuluhan ang pagkakatugma ng katangian ng kabutihan at katangian ng Diyos.
- Kung ang Diyos ay tagapamahagi lamang, malalaman mo pa rin ang kabutihan kahit walang Diyos, tugma man ang katangian ng kabutihan sa kanya.
Ang isa pang problema dito ay may Logical Fallacy (kakulangan ng katwiran) na tinatawag na “Circular Reasoning” o ang paikot na pagdadahilan.
Q: Paano mo malalaman na ang katangian ng kabutihan ay tugma sa katangian ng Diyos?
A: Dahil ang Diyos ay mabuti.
Q: Paano mo naman nalaman na mabuti ang Diyos?
A: Dahil tugma ang kabutihan nya sa katangian ng kabutihan.
Q: Eh paano mo nga malalaman na ang katangian ng kabutihan ay tugma sa katangian ng Diyos?
A: Dahil ang Diyos ay mabuti.
Paulit-ulit…. Paikot ikot…
Hindi natin pwedeng tanggapin and katwirang ito dahil pareho nating hindi pa napapatunayan dalawang pinapahayag dito:
- Ang Diyos ay mabuti.
- Tugma ang kabutihan ng Diyos sa katangian ng kabutihan
Kapag pinagsama natin ang dalawang pahayag na hindi pa napatunayan, alinman sa pahayag na ito ay hindi magiging tama.
0 + 0 ay hindi = 1
Kung tatanggapin natin ngayon na hindi natin maasahan ang Diyos para malaman natin ang kabutihan sa kasamaan, paano tayo ngayon magkakaroon ng moralidad?
Ang bawat kilos mo ay may kalalabasan (consequence), at ang kalalabasan nito ay makakaapekto sa iba, at ang kilos ng iba ay makakaapekto din sa iyo. At kung tayong 7 bilyong tao ay mabubuhay ng samasama at magsasalo ng mundong ating titirhan, kailangan natin maintindihan ang naidudulot ng ating mga kilos. At mula sa pag-unawang iyon, kaya nating magkumpromiso, at ang kumpromisong ito ang pwede nating maging batayan ng kung paano natin tatratuhin ang bawat kapwa.
At ang batayang ito ay ang ating tatawaging batas ng moralidad.
Ibig sabihin, imbis na manggaling sa Diyos o kahit anong autoridad (assertion of authority), and moralidad ay pwedeng maging base sa pag-unawa ng realidad ng buhay (understanding of reality).
Author:
Dennis Pulido
HAPI-IC California
HAPI Art Director