Marketing 101
Ang Bibliya ang Katibayan na Mayroong Diyos

“Sapagka’t ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesia ng mga banal”
“For God is not the author of confusion, but of peace, as in all churches of the saints.”

1 Corinthians 14:33

—————–

Marami sa ating gumagamit ng mga Bible verse para magpahayag ng mga makabibliyang katwiran. Madalas, sinasabi na ang Bibliya mismo ang katunayan na mayroong Diyos.

Pangkaraniwan kong naririnig ang ganitong mga katwiran:
“Hindi totoo yan dahil walang kasamang Bible verse!”
“Bibliya ang katibayan ko!”
“Hindi ka kasi nagbabasa ng Bibliya!”

Subalit sapat bang sabihin na ang Bibliya ang katibayan sa kung anuman ang ating pinapatunayan tungkol dito, lalo na sa pag-iral ng Diyos? Isipin natin ng sandali.

Ang binabasa nating Biblia ay isa sa libo-libong mga kopya at libo libong translation o pagsasaling-wika ng isang libro na wala nang original na manuscript (kopya na lang din yung pinakalumang kopya na meron tayo tulad ng Aleppo Codex noong 920 CE, at Lenningrad Codex ng 1008 CE), kaya hindi natin alam kung maaasahan natin na tama ang kopya o translation na meron tayo.

Ang mga sumulat nito ay hindi natin alam kung sino-sino at hindi natin alam ang kanilang orihinal na intensyon. Dahil dito, nagdudulot ito ng libo-libong interpretasyon na hindi tugma-tugma, kaya marami tayong iba-ibang denominasyon (lagpas 43k ayon sa Center for the Study of Global Christianity) na ang bawat isa ay sinasabing sila ang may tamang pagkakaintindi (itanong nyo kay Soriano). Hindi sila pwedeng lahat tama, pero pwede ring lahat sila ay mali, dahil ang basehan nila ng interpretasyon ay subjective o pansarili lamang.

Pero hindi iyon ang problema.

Ang problema ay ang Diyos, na inaakala natin na may wagas na kaalaman, ay inaasahan natin na dapat alam nyang magiging problema ito. Kung ganoon, bakit ang kanyang napiling format/medium/paraan para ipamahagi ang kanyang importanteng mensahe sa atin, ay isang libro na nakasulat sa lingwaheng pantao, kung ganito ang magiging resulta na nagkakalokoloko ang iba-ibang libo-libong interpretasyon?

May nagsabi sa akin na “kaya nga tayo binigyan ni God ng Free Will” pero hindi noon malulutas ang problema, kundi bahagi sya ng problema dahil isa itong kontribyutor sa sari-saring interpretasyon, pero wala pa rin tayong sapat na basehan ng talagang tamang interpretasyon dahil nga iyon lang ang meron tayo – interpretasyon.

Ipaliwanag ko pa kung bakit problema ito.

Ihambing natin sa professional marketing kung saan responsable ka kung paano iko-communicate o ipapahayag ang producto o serbisyo sa mamimili para makumbinsi silang bumili. Kapag hindi wasto ang komunikasyon, pwedeng magkaroon ng reklamo o negative feedback. Kaya kailangang wasto ang marketing strategy para mai-communicate ang produkto o serbisyo ng maayos. Subalit kahit na masinsinan ang pagpapaplano at pagsasagawa ng marketing strategy, minsan may nahahanap pa ring reklamo ang mamimili, kaya di maiiwasang may baguhin (edit or revise) sa marketing strategy upang maihinto, mabawasan, o maiwasan ang reklamo.

Walang ganitong ginagawa ang Diyos para sa Biblia. Basta nasa sa atin na ang problema kung paano natin iintindihin, ipapaliwanag, at papatunayan ang mga nakasulat dito na madalas pang pambihira at hindi kapanipaniwala sa tunay na buhay. Kung may mga interpretasyon o translation na hindi wasto o hindi tugma, nasa sa atin ang kasalanan at hindi sa Diyos.

Ang pagkakaiba ng isang professional na marketing team kay God ay ang pagiging responsable sa wastong pagpahayag produkto o serbisyo, at pag-akma ng marketing strategy para maintindihang mabuti ng target audience.
A: Professional Marketing – pag nagreklamo ang customer, marketing ang may kasalanan.
B: God – pag nagreklamo ang customer, customer ang may kasalanan.

Kaya mula dito, masasabi natin na para piliin ng Diyos ang Biblia bilang ang kanyang paraan para makamit ang kanyang hangarin ay:
1> Hindi marunong ng marketing ang Diyos.
2> o wala lang talagang Diyos, at makikita sa katangian ng Biblia mismo na madlang tao lamang ang gumawa nito.

Ibig sabihin, yaong mismong format/medium ng Bible ay pwedeng patunay LABAN sa pag-iral ng Diyos.

Nabanggit sa 1 Corinthians na ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan (“God is not the author of confusion”) – kahit na sabihin nating hindi ganoon ang intensyon ng Diyos, napaka-ironic (balintuna) pa rin kung titignan mo na dahil sa Bibliya, nagkaroon tayo ng libo-libong denominasyon, interpretasyon, at di pagsasang-ayon.

 

Author:

Dennis Pulido
Dennis Pulido

HAPI-IC California

HAPI Art Director

About the Author

HAPI Contributor
Scroll to Top